Quantcast
Channel: Château de Archieviner
Viewing all articles
Browse latest Browse all 63

I am a HERO: Letter from the Duke of Florence, Italy. Mr. Tripster Guy

$
0
0
Isa sa mga pinapangarap kong tao na makita dito sa mundo ng blogsphere ay ang kapita-pitagan na si Mr. Tripster o Tripster Guy. Kilala sya as sensible commentator hindi lang dahil sa mahaba ang kanyang iniiwang bakas sa ating mga blog post kundi dahil sa malaman at hindi sabaw, kakaibang point of view at rational  na komento ang kanyang naibabahagi sa mga manunulat at mambabasa. Wagas ang kanyang bakas na iniiwan sa ating mga katha.

He called himself as Duke of Florence, Italy nang mag comment sya sa isa sa mga blog post ko. That's why your King bestow him the power as Duke of my Castle for this month of February.

Sino nga ba si Mr. Tripster bilang isang OFW? Kilalanin sya sa kanyang sagot sa aking isang tanong. 

Let's give honor to the Duke.


Code Name/ Alyas:Mr. Tripster or Tripster Guy
OFW na nasa bansang: Florence, Italy

King Archieviner :Bakit ka nagOFW?

Tripster Guy: Magandang tanong. Mahirap lang sagutin. Madami akong nais sabihin, mga bagay-bagay na nais iparating sa mga mambabasa, sa mga mambabatas, at sa mga nasa kapangyarihan. Ngunit hindi ko alam kung may sapat na puwang sa kastilyo ng mahal na hari.

Gayun pa man, bilang isang nahahaling na dugong bughaw, ipapahiwatig ko na rin ang nasasaloobin ko.

Bakit nga ba ako nag-OFW? Sa isang bansa na kung saan naipagtibay na ng pamahalaan, Batasan, at ng Saligang Batas ang human exportation, sa isang bansa na likas na sa sariling kultura ang tumingala sa kanluran at sa mga kalapit bansa, sa isang bansa na ipinamulat sa sariling mamamayan na ang pagiging OFW ay isang marangal na hangarin upang matulungan ang pamilya at bumango ang pangalan ng Pilipinas sa pandaigdigang pamayanan, ang pagiging OFW ay isang kapalaran na kumatok sa pintuan ng aming tahanan.

Ang aking mga ninuno ay mga pawang magsasaka lamang sa Batangas at Laguna- palayan, bakahan, at simpleng pamumuhay. Sa pagbubungkal ng lupa at pagtatanim ng palay, nabuhay ng maayos ang aking mga lolo at lola, at nakapag-aral ang aking mga magulang.

Lumipas ang maraming taon, mga pangulo, isang diktador, at isang rebolusyon, hindi na naging sapat ang simpleng pamumuhay. Bagamat sinabi ng mga nasa kapangyarihan na lumulusong sa pagunlad ang Pilipinas. Umabante ang bansa patungo sa ‘kaunlaran’; ang pagunlad na binayaran at hanggang ngayon ay binabayaran ng maraming mamamayan at libu-libong tahanan.

Maliit pa kaming dalawang magkapatid nang umalis ng bansa ang aming mga magulang. Lumaki kami na halos hindi namin nakilala ng lubusan sila. Sa panahon na ‘yon hindi pa uso ang mga social-networks, Skype o ang Internet. Nagpapalitan lang kami ng sulat. Para makatawag kami, kailangan pa namin pumunta sa pinakamalapit na lunsod dahil doon mayroon phone center ng PLDT.

Mula 1990 hanggang 1998, nagkaroon lang kami ng tatlong pagkakataon na magkasama ang buong pamilya. Sa tingin mo ba, sapat na sa mga bata ang makasama nila ang kanilang mga magulang ng ilang buwan lang sa loob ng mahigit na walong taon?

Bumangon ang ekonomiya ng bansa, ngunit bumulusok ito sa krisis bandang 1997. Lalong dumami ang mga OFW. Binansagan silang bagong bayani dahil nakakahinga pa ang ekonomiya ng bansa dahil sa kanilang mga remittances.

Oo, nailigtas ng mga remittances ang ekonomiya, ngunit sino ang nagligtas sa aming mga tahanan? Kay daming buhay ang napinsala. Kay daming mag-aasawa ang nagkahiwalay. Kay daming mga kabataan ang naligaw ng landas o lumaking ulila. Iyan ang halaga na ibinayad naming mga OFW para sa ekonomiya na kung saan nakinabang mula sa mga anak hanggang sa pangulo ng Pilipinas.

Noong 1999, pinagbakasyon kami ng mga magulang namin sa Italya. Nang nakatungtong ako sa Firenze, nagdesisyon na ako na hindi na ako babalik sa Pilipinas. Mananatili na ako kasama ang aking mga magulang.

Happy ending di ba? Pero hindi ganun kadali ang lahat. Madami pa din kaming pinagdaanan, mga pagkakataon na hindi kami nagkakaunawaan, maraming luha at kung anu-anong drama.

Hindi naman ako naging adik. Wala din akong natutunang bisyo. Naging aktibista lang naman ako. Medyo rebelde kahit hindi rebeldeng tunay. Hehehe! Madalas mag-away kami noon ng aking ina sa aking mga “extra-curricular activities”. Nag-aaway kami sa gitna ng daan. Minsan, sa sobrang galit niya, sinampal niya ako sa gitna ng maraming tao.

Hindi ko sila masisisi. Naging maayos ang buhay namin. Gumanda ang bahay namin. Nakatikim kami ng mga bagay na iilan lang ang nakakatikim. Nakapag-aral kami sa mga pribadong paaralan. Subalit hindi naging masaya ang aking kabataan. Hindi naman ako galit sa kanila. Nagpapasalamat nga ako sa kanilang pag-aalay. Naunawaan ko naman sila.

Palibhasa lumaki kami na wala sila, para bang hindi nila kami kilala, at parang ibang tao sila sa amin. Nag OFW ako dahil inisip ko baka mabago namin ang aming kapalaran. Baka sakaling mawala na ang agwat sa bawat isa. Kung hindi siguro nag OFW ang ama at ina ko, hindi siguro ako magiging saliwa o mang-mang patungkol sa buhay. Higit na mauunawaan namin ang isa’t-isa. At siguro, walang mananatiling hinanakit sa puso ko na pilit ko paring iwinawaksi. Pero may mga bagay talaga na hindi na mababawi. Lahat naman ng suliranin ay nalalampasan. Yun nga lang, may mga bagay na hindi na basta-basta naaayos at mga katotohanan na kinakailangan nang tanggapin sa paglipas ng panahon.

Kahit sa edad na 27, minsan napapaiyak pa rin ako kapag naaalala ko ang aking kabataan. May mga bagay talaga na hindi na maibabalik, at may mga mapapait na bunga ang nakaraan. Kahit pilitin mong lagyan ng tamis ang kasalukuyan, hindi pa rin magbabago ang mapait na bunga.

Mapalad ang mga nag OFW ngayon. May Facebook na, Skype, at Blogger.com. Pero dalangin ko pa rin sa Maykapal na hindi na maging option ang pag-OFW. Nawa magkaroon na ng mga opportunities sa sariling bansa. At nawa wala nang bata ang lumaki na walang patnubay ng kanyang mga magulang dahil sa kailangan nilang magtrabaho sa ibang bansa.

Humihingi ako ng paumanhin. Alam kong nais ibandila ng segment na ito ang kagitingan ng isang OFW. Ipagpatawad niyo kung humarap ako sa inyong talunan. Maraming salamat at pinarangalan niyo akong bayani. Subalit ikalulugod ko ba ito kung ako ay isang bayani ng isang bayan na naturingang malaya na?

Andrea: Unhappy is the land that breeds no hero.
Galileo: No, Andrea: Unhappy is the land that needs a hero
.

- from “The Life of Galileo” by Bertolt Brecht


King Archieviner: Lubos akong nagpapasalamat sayo Mr. Trispter sa iyong ibinahagi sating mambabasa. Isang katapangan ang iyong ginawa.

Ang kabayanihan ng isang OFW ay hindi lang nasusukat sa pag-alis sa ating bayan. Maraming tayong sakripisyo lalo na sa relasyon sa pamilya na syang malaking consequences tulad ng ibinahagi mo. Totoo eto sating mga OFW. Dapat lang malaman yan ng mga mambabasa at ng mga tao sa Pinas. Lalo na sa mga nagbabalak magOFW. Kaya bago mangibambansa, mag-isip isip muna.

Maraming salamat Mr. Tripster Guy muli sa iyong makahulugang at  makabuluhang sagot. Inspirasyon 'to sa mga mambabasa at sakin. Maraming salamat din sa iyong post cards na ipinadala na galing pang Italy.





I am honored to be your friend. Looking forward to see you. More power to you and to your blog.

I am a Hero or this interview is inspired by Blogger of the Month of damuhan.com.


Viewing all articles
Browse latest Browse all 63

Latest Images

Trending Articles



Latest Images