Biyernes ng hapon. Kakatapos lang ng klase ni Elsa sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sa di inaasahang araw tila pinagkaitan ng panahon ang magandang binibini. Isang malakas na ulan ang sa kanya'y naghintay. Bumubuhos ang langit na tila walang katapusan.
" Dyos ko po, Panginoon sana'y hindi magtagal ang ulan na eto" Dalangin ng dalaga. Nagpasya si Elsa na magpatila nalang muna ng ulan sa maliit na silong sa Unibersidad. Sa halip na piliin nyang malungkot ay naging positibo nalang ang magandang binibini.
Sa di kalayuan nakamasid ang isang binata na tila naghihintay sa mga ikikilos ng dalaga. Tuwa't saya ang nararamdaman ng kanyang puso dahil tila umaayon ang panahon at tadhana. Pagkakataon nya nang mapansin ng dalagang noon pa nais makilala. Ngunit ang saya'y biglang naglaho. Naunahan na naman sya ng hiya at takot. Hiya na baka hindi sya magustuhan ng dalaga. Takot na baka hindi sya pansinin nito. Natorpe na naman ang barakong binata.
Tatlumpung minuto na ang lumipas. Hindi parin tumitila ang ulan. Sa halip na humina ay parang nang-aasar pa dahil palakas eto ng palakas. Kasabay ng buhos ng ulan ang paghampas ng hangin na tila galit na galit sa lupang babagsakan ng ulan.
Isang oras na ang lumipas. Nagpasya na ang dalagang makipagpatintero sa ulan dahil kung hindi ay baka abutin na sya ng gabi. Nagbabanta na rin ang pagtaas ng baha na madalas namang mangyari sa kahabaan ng Espanya.
Patakbo na ang dalaga upang sugurin ang malakas na patak ng ulan nang biglang isang matipunong lalaki ang nagbigay pag-asa sa magandang binibini upang mailigtas eto sa mapangahas na hagupit ng ulan. Ang hampas ng hangin ay tila huminto. Ang buhos ng ulan ay tila natuyo.
Sukob na ang dalawang nilalang sa iisang payong. Silong na tila sumikat ang araw sa korteng parisukat na pumapandong. Tila tumigil ang sandali sa dalawang nilalang. Nagkatitigan. Nagpakiramdaman. Gulat ang unang naramdaman ng dalaga. Kaba naman ang ramdam ng binata. Natatalo ang ugong at lakas ng hangin at ulan sa pintig ng kanilang mga puso.Binasag ng binata ang halu-halong emosyon sa pamamagitan ng isang guhit na ngiti. Hindi naman nabigo ang binata dahil sinuklian eto ng isang matamis na ngiti ng dalaga.
Ngayon ay saksi ang ulan, hangin at kalangitan sa parehong nararamdaman ng dalawa nilalang na nagbabadya ng pausbong na pagmamahalan nila Elsa at Marcos.
Magmula noon ay halos sabay nang umuwi ang dalawa galing sa eskwela. Madalas na ding magkita ang dalawa. Mas lubos pang nagkakilala ang binata't dalaga. Nagkakaunawaan at nagkakamabutihan. Pareho ang nararamdaman ng dalawa. Kaya hindi nagtangal ay nagtapat na ng nararamdaman sa isa't isa. Hindi lingid sa mga kaibigan ng dalawa ang mga nangyayari sa kanila. Ngunit kung anong sang-ayon ng mga kaibigan nila ay sya namang tiwalas sa gusto ng kanilang mga magulang. Labag sa kanilang pamilya ang namamagitan sa kanila. Dahil narin eto sa kanilang tradisyon at konserbatibong lipunan.
Isang gabi nagpasyang magtanan ang dalawa. Habang nakahiga ang dalawang magkasintahan sa ilalim ng puno sa isang bukid, tanaw ang maliwanag na buwan at aninag ang mga nagkikislapang bituin. Matapos pagsaluhan ang bawal na sandali. Tangan ang kalangitan isang bulalakaw ang gumuhit sa itim na kalawakan. Napangiti ang binata na tila eto ang senyales na kanyang hinihintay. Nagtapat muli eto ng pag-ibig at pinangakuang papakasalan. Dala ang lampara, inilabas ang isang piraso ng papel at ibinigay sa dalaga. Takang taka ang dalaga dahil ngayon nya lang nalaman ang talento ng kanyang irog. Isang larawan ng dalaga na iginuhit ng binata. Sa likod nito ay isang tula na alay ng binata sa kanyang iniirog. Kay Elsa.
I
Pusong uhaw sayo'y nananabik.
Sa ganda mong tunay ako'y napaibig
Sumisigla ang pag-asa twing ngiti'y nakikita
Lungkot at pighati sayo'y di masisita
II
Walang bulaklak ang katumbas ng iyong kagandahan
II
Walang bulaklak ang katumbas ng iyong kagandahan
Busilak ang kagandahan ng iyong kalooban
Aking nadarama'y walang makakasupil
Pagkat iyong kagandahan kailan man'y di magmamaliw
III
Poong maykapal sana ako'y dingin
Dasal sa tuwina'y sana'y mapansin
Kung isang Milagro'y saki'y darating
Ang iyong pag-ibig ang aking hihilingin
"Ang ganda naman nitong tula Inang Elsa pero hindi ko maintindihan sa lalim" Ika ni Bea sa kanyang mahal na lola, matapos nitong basahin ang paboritong tula ng matanda. Magmula nang muling atakihin sa puso ang lola ay binira na itong magsalita.
"Naku Bea ilang beses mo na bang binabasa yang tula ni lola mo? Di ba Tuwing kaarawan ni Inang ay binabasa mo yan? Hanggang ngayon di mo parin naiintindihan yan?" Ika ni Beth ang pangatlong anak ni Inang
"Tita, alam nyo namang gustong-gusto ni Inang na binabasa ko tong tula sa tuwing kaarawan nya di ba? Gusto ko lang din na magkwento si Inang. Kung buhay lang sana si Inong Marcos baka sya ang magkwento sakin" Bea
"Hay nakung bata ka taon-taon din sa kaarawan ni Inang kinukulit mo syang magkwento. Dinahilan mo pa ang Inong mong naaksidente. Mabuti pa't tumulong ka nalang sa paghahanda ng pagkain doon sa kusina. Ako'y maglilinis lang muna ng kwarto sa itaas. Yung sorbetes palang binili natin nasa palamigan naba?" Ika ni Beth. Habang papaakyak ng handan patungo sa ikalawang palapag ng bahay.
"Opo, nasa palamigan na. Dito nalang muna ako at kakausapin ko si Inang. Baka magustuhan nya nang magkwento sakin maya-maya eh" Bea
"Ehem! Nandito pala ang paborito kong pamangkin?" Ang kadarating lang na si Angelita. Ang bunsong anak ni Inang. Kasama nito ang kanyang anak na lalaki.
"Tita Ange" Tawag ni Bea nang makita ang bagong dating na tita. Sabay halik dito at mano.
"Ange, mabuti't nakarating kana... Oh!?? iyan naba si Alvin ang anak mong kumukuha ng Medisina" Sabat ni Alberto. Ang pangalawang anak ni Inang na kanina pa nakikinig sa usapan.
"Opo kuya. Oh anak magmano ka muna sa mga tito't tita mo at kay Inang Elsa" Angelita
"Huwaw! ang ganda naman ng kamera mo kuya Alvin. Gamitin na natin yan" Nang makita ni Bea ang dala-dala ng pinsan.
"Ayyyyy! Puta may ahas...." Isang malakas na sigaw ang narinig na syang bumasag sa usapan ng pamilya. Ang sigaw ay nagmumula sa taas. Sa pangalawang palabag ng bahay ni lola
"Sino yun?"
"Si tita Beth yata sa taas"
Nagmamadaling umakyat ang lahat sa pangalawang palapag upang masaksihan ang nangyari kay tita Beth.
"Asan angahas" Ika ni Tito Alberto. Hawak hawak ang pamalo. Nakaambang pupukpukin ang salot.
"Nandun sa loob ng baul" Beth. Nakaturo ang kamay sa isang parihabang kahoy.
Binuksan ni Tito Alberto ang baul. Tila takot na takot dahil baka biglang sumunggab ang hayop.
Pagbukas ng baul ay nagtawanan ang lahat dahil ang isang ahas pala ay isang ahas tulog na sing liit ng bulate. Meron ding alupihan. Sa sobrang luma kaya pinamahayan na ng iba't-ibang hayop.
Ang sarap ng pagtatawanan ay dagling naputol dahil si Inang Elsa ay dagling lumapit sa baul akay akay ni Junjun na nakaalalay at nakahawak sa kuyukot nito.
"Junjun naman bakit isinama mo pa si Inang dito sa taas" Ange
"Si Inang kasi nagpaakay papunta dito. Meron daw syang kakaibang nararamdaman" Pangangatwiran ni Junjun.
Hindi napansin ng lahat na nasa harap na ng baul si Inang at naghahalungkat. May kinuha si Inang isang bagay na pinagtaka ng lahat. Isang pluma.
"Inang diba kay Inong Marcos yang baul?? Bakit may pluma dyan?" Angelita
Hindi umimik si Inang bagkus itinuloy lang ang paghahalungkat. Laking gulat ng lahat dahil ang sunod na inilabas ni Inang ay mga lawarang guhit kamay. Iba't-ibang larawang ng isang babae. Hindi mo makikilala kung sino ang nakaguhit sa larawan dahil sa kalumaan nito.
"Hindi ba ikaw yan Inang Elsa" Sumabat ang kadarating lamang na si Renato, ang panganay na anak ni Inang Elsa at Inong Marcos. Dala ang peryodiko kung saan ipinalathala ang pagbati sa kaarawan ni Inang Elsa.
Batid ng lahat panginginig ni Inang Elsa. Bigla na lamang may nangilid na tubig sa mga mata nito. Nagbabadya ng pagpatak ng mga luha sa dalawang malabo nang mata. Iniabot ni Inang ang nakitang pirasong papel kay Bea. Isang liham. Nadama agad ni Bea na nais ng matanda na basahin ang nakasaad sa liham na sulat kamay.
Mahal kong Elsa,
Nang una kitang makita'y lubos akong nabighani sayo. Likas ang iyong kagandanhan at maganda ang kalooban. Kaya naman nabihag mo ang puso ko.
Hindi madamot sakin ang tadhana ngunit sa twing mabibigyan ako ng pagkakataon na makaharap ka ay nauunahan ako ng hiya. Wala akong lakas ng loob upang sabihin sayo ang aking nararamdaman. Sa katunayan ay nakita kita noon sa isang silong sa'ting Unibersidad. Naghihintay kang tumila ang ulan. Sa halip na lapitan kita ay tinawag ko ang aking kapatid upang sukuban ka ng payong. Ibinigay ko ang aking payong upang magamit nyong dalawa. Mas ninais kong maligo sa ulan habang tangan kayong dalawa upang hindi mapansin ang luhang tumutulo saking mga mata. Alam kong may pagtingin din ang kapatid ko sayo. Kaya naman hindi sya nagdalawang isip na lapitan ka.
Nalaman kong naging magkasintahan na kayo ng aking kapatid. Ngunit hindi parin ako nawalan ng pag-asa. Ginawa kong siraan ang aking kapatid sa aming pamilya. Naisip ko na kung sakali mang tutulan kayo ng aming magulang ay maging daan eto upang kayo'y magkahiwalay. Magkakaroon ako ng pag-asa sakaling masira ang inyong relasyon.
Ang makapiling ka habang buhay ang sya lamang ninais ko. Ikaw lang ang pinipintig ng aking puso. Ngunit ang pagmamahalan ng kapatid ko tila hindi kayang mabuwag kahit saliwat pa sa nais ng sarili nyang pamilya.
Ipinaalam sa'kin ng kapatid ko na itatanan ka nya. Tiwala sya sakin kaya naman humingi sya sa'kin ng tulong upang maitanan ka. Halos mabasag ang puso ko nang malaman ko ang kanyang balak. Dahil sa pagmamahal ko sayo kaya hindi ko napigilang gumawa nang bagay na labag sa Dyos. Pinatay ko ang aking sariling kapatid. Naisip ko na kung mawawala sya ay baka sakaling mabaling ang pag-ibig mo sakin.
Ako ang sumipot sa tag-puan nyo nang gabi ng inyong pagtatanan. Alam kong hindi mo ko makikilala dahil magkamukhang magkamukha kami ng kambal kong kapatid. Iginuhit ko ang larawan mo na may tula sa likod para sayo. Eto'y hindi kayang gawin ng aking kapatid.
Sana'y mapatawad mo ko sa paglihim ng aking pagkatao. Bilang lihim na nagmahal sayo magmula pa noon. Mapatawad mo sana ako at nang aking kapatid dahil inagaw ko ang puso mo na hindi para sakin. Ang pagmamahal ko noon ay hindi natapos noon. Hangang sa huling araw ko sa mundong eto ay minamahal kita. Hindi nabago ang nilalaman ng puso ko. Sakaling mabasa mo man ang liham na'to sana'y pag-unawa at pagpapatawad ang iyong ibigay sa akin. Ginawa ko tong sulat bago ako magdesisyong magpakamatay kahit alam kong aksidente ang inyong malalaman.
Nagmamahal hanggang sa kabilang buhay,
Mateo
WAKAS
x-0-x-0-x-0-x
Ang likha eto ay opisyal na kalahok sa Basik ng Panitik 2013 ng Damuhan: Blog ng Pinoy, Tambayan ng Pinoy.